katext logo enhance your text life
Search:   
Home  ·  Search  ·   Invite  ·   Partners  ·  Help Signup  ·   Login



TH
9:59 AM on Friday, October 10, 2008

mayroon akong nakikita. dalawang magkaibigan

laging magkasama, laging magkakwentuhan

maging sa pagkain, magkatabi ng upuan

sa umaga, sa hapon, maging sa pananghalian

hindi lamang iyon ang aking napapansin

sa oras ng trabaho sa kanila ako'y nakatingin

pareho namang seryoso, kapag aking babatiin

sa aking paglapit, ilag sila sa akin

sa bawat araw na lumipas ako'y napapasilip

sa dalawang magkaibigan, sabay ding umiidlip

magkaibigan lang ba talaga, tanong sa aking isip

hindi dapat ang ganito, mata ko'y bumabagsik

sa aking pag iisip, ako'y hindi mapakali

ayokong tumahimik, gusto ko'y may sinasabi

kaya't aking ginawa, naghanap ng kakampi

hindi ko na mapigil, dila ko'y nangangati

ilan sa aking kakilala, ako ay nagkwento

tungkol sa magkaibigan, sa isip ko'y nabubuo

sa tabil ng dila ko, sa daldal koy walang tatalo

kahit hinala pa lamang, palalabasin kong totoo

sa aking istorya, lahat sila'y namamangha

nakatutok sila sakin, habang ako'y nagsasalita

sari saring reaksyon, bakas sa kanilang mukha

ito ang gusto ko, lahat sila'y dapat maniwala

natapos ang aking kwento, lahat sila ay tahimik

ako'y nagmamatyag, wari sila'y nag iisip

sa ganda ng kwento kong sisira sa umiidlip

ngiti saking labi, ngiti ng isang plastik

Lumipas ang mga araw, matapos ang aking tsismis

parang walang nangyari di natupad ang aking nais

ang nais kong masira, magkaibigang pinagbigkis

wala man lang reaksyon sa sinabi kong matatamis

ang pagkalat ng idinaldal ko, aking inasahan

na syang sisira sa dalawang magkaibigan

ngunit tila bakit ba wala silang pakialam

ano kayang idudulot nitong aking kadaladalan

at sa magkaibaigan, tsismis ko'y nakarating

aking inaasahan, ako'y kanilang sisitahin

aking pagtataka, hindi nila ko pinansin

sa halip na magalit, naawa pa sila sakin

mula ng magdaldal ako, marami na ang nagbago

naging mailap sakin, lahat ng kakilala ko

ano bang problema sa dila kong parang loro

hindi ba nila nagustuhan, lahat ng aking kwento

saking pag iisa mga tanong saking sarili

pagkukuwento ko ng ibang buhay, ito ba'y tama o mali

pero ako'y nasisiyahan sa mga ganitong gawi

kaya't sa aking ginawa, hindi ako nagsisisi

sa tuwing may tsikahan aking mga kasama

ako ay lalapit, makikisawsaw sa kanila

bigla na lang tatahimik, biglang na lang silang tatawa

ako'y nagugulat, ako'y nagtataka

ayoko ng ganito, gusto ko pang dumaldal

ngunit paglapit nila sakin, nagmimistulang bawal

kung ako naman ang lalapit, para silang naduduwal

sakit naman nun sakin, para akong sinasampal

sa ganitong karanasan, wag nyo akong tularan

sapagkat walang idinulot sa akin na kabutihan

dahil lahat ng aking sinabi, tamang hinala lamang

hangad kong mapanira, ako ang binalikan

ganito na lamang ako ngayon, tamang seryoso

walang nakikipag-usap, lahat sila ay malayo

nasaan kaya sila, natatakot siguro

pag lumapit sila sakin, gawan ko sila ng kwento

tapos ng ang kwento ko, wag nyo na lang pansinin

iyon ay tamang hinala lang, wag nyong seryosohin

magbabait na ko, inyo lang akong batiin

ayoko na ng ganito, na sa inyo ako'y naka bitin...




Comments (0)